SAMAHANG MAGPAPALAGO SA WIKANG FILIPINO

Deskripsyon

Sa Taong Panuruan 2014-2015 pormal na nabuo ng mga mag-aaral na kumukuha ng kursong Batsilyer ng Sekundaryang Edukasyon Medyor sa Filipino ng Lapu Lapu City College ang organisasyon sa Filipino na tinawag na Samahang Magpapalago sa Wikang Filipino o SALAWIKAFIL. Naitatag ang samahan, na may layuning maitaguyod at mapalaganap ang pagpapaunlad sa Wikang Filipino. Ang mga naging kasapi ng samahan ay ang lahat ng mga mag-aaral na kumukuha ng kursong Filipino sa kolehiyo. Ang mga miyembro ng samahan ay tatawaging “Kasapi”. 

Sa taong panuruan 2018-2019, pormal na kinilala ang samahan bilang isang organisasyon sa College of Education sa Lapu-Lapu City College. Ang mga kasaping mag-aaral ay nananalig na magampanan nang buong tagumpay ang lahat ng mabuting layon at hangaring nauukol sa ikauunlad ng wika na magbubuklod at mag-uugnay sa mga mamamayang Pilipino.

Bisyon

Ang Samahang Magpapalago sa Wikang Filipino o SALAWIKAFIL ay makikilala bilang aktibong magtataguyod at mangunguna sa pagpapalago sa Wikang Filipino sa mga kasapi at pangkalahatang komunidad sa larangang pang-akademiko.

Misyon

Ang Samahang Magpapalago sa Wikang Filipino ay nakatuon sa:

  1. Pagpapaunlad sa Wikang Filipino;
  2. Pagsasanay at panghihikayat sa kasapi nito at sa akademikong komunidad;
  3. At pagpapalawak sa kaalaman, kahusayan, at kahalagahan sa Wikang Filipino.

Layunin

Ang mga layunin sa pagbuo ng organisasyon:

a.) Mapagsama-sama ang lahat ng mga mag-aaral na nagmemedyor ng Filipino;
b.) Mapanatili, maiparangal, at maikintal sa puso, isip, diwa at gawa ang wastong damdaming makabayan sa paggamit ng wikang Filipino;
c.) Mapabuti ang pag-aaral, pagpapayaman, at pagpapalaganap ng wikang Filipino;
d.) Mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng wikang Filipino na mapalago sa larangang pang-akademiko;
e.) Matugunan ang pagbibigay-lunas sa anumang mga suliranin na may kinalaman sa pag-aaral ng wika;
f.) Mapatatag at mapagtibay ang samahan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga kasapi bilang magkapatid satungkulin;
g.) Makatulong sapangangasiwa ng palatuntunan at mga patimpalak para sa pagdiriwang ng buwan ng wika taon-taon; at
h.) Maging aktibo at makikiisa sa ibang organisasyon upang mas makilala at mapa unlad ang ating samahan.

Mahahalagang Pag-uugali

  • Dedikasyon
    Gagampanan na may buong kahusayan ang mga naiatas na responsibilidad upang mas mapabuti, mapalago, at maipagpatuloy ang misyon at bisyon ng organisasyon.

  • Makabayan
    Mabibigyang kamalayan, pagpapahalaga, at magtatampok ng sariling atin

  • Serbisyo
    Paghahatid at matatawarang kalidad sa paggawa upang makamit at mahigitan ang mga inaasahan sa organisasyon at tapat sa tungkulin.

  • Pagkakaisa
    Pagbuo ng matatag na ugnayan sa kapwa, organisasyon, at institusyon sa pagsusulong at pagpapahayag ng Wikang Filipino.